Mapagkunwaring Kalaliman

Nakakapagod tahakin ang isang landas na hindi mo alam kung talagang gusto mo. Walang kahit anong naguudyok sa iyong ipagpatuloy ang nasimulan. Ngunit wala ring pumipigil sa iyo. Nakakagulo ng isip. Mas mainam pa ang matulog. Sa panaginip ko, sigurado ako sa lahat ng gusto ko at malaya ko silang mapipili.

Para akong nagsimulang muli sa isang kuwaderno dahil sa hindi nagustuhan ng sarili kong mga mata ang sarili kong sulat. Madalas akong ganito. Paulit-ulit na nagsisimula. Paulit-ulit na sinusuri ang mga sariling gawa. Nababagot. Naiinis. Saka magsisimulang muli. Isang bagay na hindi ko kayang tantanan dahil parte na ito ng aking pagkatao. Masalimuot kung titingnan sa isang matalinghagang paraan. Nakakalungkot dahil kung iisipin, parang hindi ako handa sa mga katapusan na malamang sa mata ko ay puno ng kamalian. Takot ba akong magkamali? O sadyang ayaw ng ipokrito kong sarili ang mga katapusan? Hindi kaya paulit-ulit ako sa pagsisimula dahil gusto ko na walang mali? O sadyang hindi ko matanggap ang mga pagkukulang ko bilang tao kaya pinagkakasya ang sarili sa paulit-ulit na pag-asa na ang pagsisimulang muli ay solusyon upang matabunan ang mga pagkukulang at iasa ang lahat sa mga muling matutunan. 

Nakakatakot. Baka isang araw magising ako at mapagtanto na hindi na ako gumagalaw sa ganitong proseso. Na parang isang kotse na hindi makaandar hindi dahil sa bulok na trapiko, kundi dahil sa ang mismong makina o baterya ay bumigay na sa kalagitnaan ng daan, dahil sa paulit-ulit na pagkamatay nito at pagsisimulang muli. Ngunit ang kotse ay hindi makahihingi ng tulong sa isang mekaniko dahil sa bilis ng daloy ng trapiko na nasa paligid niya. Bagamat nasa gitna siya, hindi siya nakakaabala. Kaya walang makakapansin. At ayaw nitong mapansin.

Maghintay na lang kaya ako sa mga tagahatak, na siyang maglalayo sa akin sa prosesong kinasasadlakan ko, ngunit hindi ko maiwanan? Ang tanong: may makakapansin kayang mga tagahatak na naiwan?

Nagkaroon ako ng konting bakasyon pagkatapos ng isang linggo ng pagsusunog ng kilay sa pagpapakadalubhasa sa mga bagay-bagay tungkol sa medisina. Marahil walang nangyari at iaasa ko ulit ang kinabukasan sa positibong pananaw. Marahil wala akong natutunan maliban sa paulit-ulit na bulong na sadyang katamaran ang may kasalanan ng lahat. Ngunit isang bahagi ng aking utak ang nagsasabing marahil sadyang ang buhay ay tungkol lamang sa mga pagkakataon at tadhana. Hindi mo hawak, hindi mo kayang ikontrol. At marahil parang pag-ibig lang ang mga pagsusulit, hindi kailangan masyadong maghanda, dahil sa huli, kailangan pa ring iayon sa tadhana.